September 21, 2024

Paano pinili ang 16 stars na tampok sa pilot MMFF mural painting?

Paano pinili ang 16 stars na tampok sa pilot MMFF mural painting?
In-unveil ang mural painting ng 16 MMFF stars nitong Setyembre 19, 2024, Huwebes, sa dating gusali ng MMDA sa EDSA, Makati City.

Kaugnay ito sa “Sine Sigla sa Singkuwenta” kung saan 50 MMFF movies ang ipapalabas sa mga piling sinehan nationwide sa Setyembre 25-Oktubre 15 sa halagang PHP50.

Tampok sa Pilot Mural Painting ang National Artists na sina Fernando Poe Jr. at Nora Aunor, kasama sina Dolphy, Vilma Santos, Vice Ganda, Maricel Soriano, Vic Sotto, Eddie Garcia, Gloria Romero, Amy Austria, Christopher de Leon, Cesar Montano, Dingdong Dantes, Marian Rivera, Joseph Estrada, at Anthony Alonzo.

HOW THE 16 MMFF STARS WERE CHOSEN

Ipinaliwanag ni MMDA Chairman at concurrent MMFF ExeComm Chairman Romando “Don” Artes kung paano pinili ang 16 MMFF stars sa nasabing mural painting.

“Unang-una po, iyan ang mga Hall of Famers natin. Mga aktor doon sa mga pelikula na naging topgrossers,” lahad ni Chairman Artes.

“Iyon po yung ating naging criteria. Either awardee po sila as best actor, best actress. Or kahit hindi po sila nagkaroon ng award bilang best actor, best actress.

“Yung kanila pong pelikula ay topgrosser po sa MMFF. So, yon po yung naging criteria namin.

“Alam niyo po, limampung taon po ang MMFF. Hindi po namin kayang ipinta lahat sa isang mural dahil napakarami po naman na magagaling na aktor, aktres.

“Alam ko po, may mga magku-question lalo na iyong mga fans pero pagpasensyahan niyo po, ito po yung napagdesisyunan namin.

“I take responsibility for it dahil ako po ang nag-approve. Pero based on that, pinili po namin yung ano lang namin na malaki yung kontribusyon sa MMFF.”

Sinadya na si FPJ ang ipuwesto sa pilot mural bilang pinakauna sa bandang kaliwa, sa halip na isentro.

Mahigit 50 murals ng movie posters ang ipe-painting pa along EDSA, at kabilang sa magpipinta ang isang sikat, premyado at fashionistang aktres.

“In fact, meron pong sariling poster ang Panday na ipipinta rin po natin. So, ito [pilot mural] naman po ay isa lamang. Marami pa po yan,” pahayag ni Chairman Artes.

“So, hindi naman po ibig sabihin na may maiiwan. We know that we cannot please everybody.

“Sabi ko nga po, limampung taon yan. Kung average na walong pelikula bawa’t taon ay mahigit apat na raan na pelikula po yan.

“And we cannot please everybody.”

Siyempre, may magtatanong kung bakit wala sa pilot mural sina Senator Bong Revilla, Ai-Ai delas Alas, Judy Ann Santos, Sharon Cuneta, Jennylyn Mercado, Derek Ramsay, Aga Muhlach, Eric Quizon, at iba pa…

“Meron po silang sariling poster. Individual, yung per movie po nila,” sambit ni Chairman Artes.

Ang pangunahing artists sa pagpipinta sa nasabing mural painting ay sina AG Sano at Sim Tolentino, with Phonsie Castañeda as creative director.

Kabilang sa mga present sa launch ng “Sine Sigla sa Singkuwenta” sina National Artist Ricky Lee, MOWELFUND chairman Boots Anson Roa-Rodrigo, MMFF executive director Atty. Rochelle Ona, Joel Saracho, Direk Paolo Villaluna, Direk Marlon Rivera, Direk Richard Somes, Dan Morales, at iAcademy COO Raquel Wong.